Hindi dapat ikahiya: Damong ligaw sa Pilipinas na makahiya, ibinebenta sa Canada ng higit P400

Biniyayaan ang Pilipinas ng mayamang kalikasan. Matatagpuan sa bansa ang napakagagandang beaches, kabundukan, at iba pang anyong tubig at anyong lupa. Maliban dito, marami ring mga halaman ang makikita sa Pilipinas na normal na tumutubo sa kung saan-saang mga lalawigan at lungsod, na mahalagang halaman pala sa ibang bansa.

Trending sa social media ang post ng netizen na si Than-than Javier tungkol sa larawan ng makahiya na ibinebenta sa bansang Canada sa halagang $7.99 o halos 400 piso sa ating pera. Kung sa Pilipinas ay itinuturing lamang na damong ligaw o kung saan-saan lamang tumutubo ang makahiya o sensitive plant sa English, sa ibang bansa tulad ng Canada ay mahal itong naipagbibili.


“They are selling sensitive (makahiya) plant in pet shop here and it cost $7.99. That’s almost 400 pesos. Damo lang sa amin yan eh,” pagtataka ni Javier sa kanyang post.

Maraming makahiya sa ating bansa dahil kinakailangan ng mataas na humidity o mainit na klima upang agad na lumago ang halaman. Dahil isang tropikal na bansa ang Pilipinas, likas na tumutubo kung saan-saan ang makahiya na naging sanhi upang maging damong ligaw ito.

Kung ihahambing ang klima ng Canada sa Plipinas, tila mas mahirap na makapagpatubo roon ng makahiya kaya naman naibebenta ito sa mas mataas na halaga.

Marami ding benepisyo sa kalusugan at ginagamit na panggamot sa ilang karamdaman ang makahiya. Ayon sa website na Kalusugan.ph, ang iba’t ibang bahagi ng halamang makahiya ay maaaring gamiting lunas at pampasigla ng katawan.


Ginagamit ang ugat, dahon, maging buto ng makahiya sa pagpapahilom ng sugat, pagpapagaling ng dysmenorrhea, ub0 at sip0n, at iba pang karamdaman na may kinalaman sa digestive system ng tao. Mayaman daw kasi sa mineral at antioxidants tulad ng flavonoids, amino acids, at fatty acids ang makahiya.

Dahil dito, maraming netizens ang naliwanagan sa kahalagahan ng damong ligaw na ito. Katulad ni Javier, nagtaka rin sila noong una kung bakit naibebenta nang mahal ang makahiya. Iyon pala, nang maipaliwanag ng isa ring Facebook user ang health benefits nito, nalaman nilang hindi lang basta-bastang damong ligaw ang makahiya.
Powered by Blogger.