Groom, pinakasalan ang kanyang bride sa araw ng libing nito

Sa halip na isang masayang okasyon ay napuno ng luha at pakikiramay ang isang kasal na viral ngayon sa social media.

Sa isang video na ibinahagi ng netizen na si Kelvin Casidsid Semilla, pinakasalan ng groom na si Ryan Pag-asa Casidsid si Richielyn Jimenez, sa araw din ng libing ng bride.


Base sa Facebook post ng groom, pumanaw ang kanyang nobya sa sakit na Tuberculoma matapos ang pakikipaglaban nito sa sakit.

Sa nasabing post, ibinahagi rin ni Ryan ang simula ng kanilang love story at kung gaano niya minahal si Richielyn.

Enero 2019, nang mag-propose si Ryan kay Richielyn at nagsimula nang magplano para sa kanilang hinaharap.


Hindi rin nagtagal ay nakatanggap naman sila ng isang biyaya nang malamang nagdadalangtao si Richielyn. Ngunit agad ding binawi ang kanilang anghel bago pa man maisilang.

Pero matapos ang malungkot na balita, tila muling sinubok ang katatagan ng mag-asawa nang ma-diagnose si Richielyn na mayroong acsitis nitong lamang Oktubre sa kasagsagan ng pag-aayos nila para sa kanilang kasal.

Hindi naman inasahan ng dalawa na ito pala ay simula pa lang ng mas masalimuot na laban ni Richielyn sa kanyang sakit.

Nobyembre 2019 nang ma-diagnose naman ito na mayroong Tuberculoma.

Pilit mang lumaban ay muli na namang bumagsak ang mundo ng lalaki nang ma-comatose ang minamahal ng tatlong araw.

Disyembre 2019 nang sumailalim sa isang operasyon si Richielyn. Matapos nito ay muli naman daw dumilat si Richielyn at nag-respond.


Pero habang nasa bahay si Ryan matapos magdesisyong magpahinga sandali, isang text message mula sa kapatid ni Richielyn ang dumurog sa puso nito.

"Punta ka na dito tol, tinapat na kami ng doctor tol, wala na tlaga makuhang bp sa kanya, may hearbeat daw sya pero minimal nalang, sinabihan na rin kami kung gusto nmin ipakuryente, pero di na kami pumayag, ayaw pa nmin syang mahirapan, last monitor sa kanya may hearbeat pa sya, pero tlagang unconscious na, tol si ate tol!!! punta kana dito tol baka sakaling magising sya pag andito kana."

Pilit mang ignorahin ni Ryan ang katotohanan ay ito pa rin sumambulat sa kanya pag dating sa ospital.

Kaya naman noong Disyembre 11 ay nagdesisyon si Ryan na ituloy ang kasal nila ni Richielyn.


Sa isang video, makikita pa nang halikan nito ang kanyang bride habang nakahiga sa kabaong nito, suot ang wedding gown na plinano nilang suotin nito sa araw na pinakamasaya sana sila.
Powered by Blogger.