2 dayuhan arestado matapos mahuling nagtatalik sa Boracay

Huli sa akto ang dalawang dayuhan na nagtatalik sa Bulabog Beach sa Boracay Island, Huwebes ng gabi.

Ayon sa awtoridad, nakatanggap sila ng reklamo hinggil sa malaswang ginagawa ng lalaking Australian at babaeng British national sa beach habang malayang napapanood ng kabataan hapon ng araw na iyon.

Naaktuhan pa ng Malay Municipal Police Station ang dalawa na hubad at nasa mababaw na parte ng beach alas 6 ng gabi.

"Yung babae po ay nag-topless at ang lalaki po ay napicturan po ng ating tropa ay talagang nakalabas po ang kaniyang ari at they were engaging po, nakaluhod po ang babae, 'yun po nagpe-perform ng s3x po," sabi ni Police Lt. Col. Jonathan Pablito, chief of Malay Municipal Police Station.

Inaresto ang dalawa at sinampahan sa Aklan Prosecutor’s Office ng kasong grave scandal at disobedience to person in authority matapos na tangkain pa ng lalaki na takbuhan ang mga pulis.

Nakapag-piyansa naman agad ang dalawa ng tig-P6,000 sa kasong grave scandal at P3,000 naman para sa disobedience to person in authority at agad namang pinakawalan.