Jeepney driver na mahigpit na sinunod ang "social distancing", hinangaan

Viral ang larawan ng isang pampasaherong jeep na sumunod sa 'social distancing' na isa sa mga panukala upang maiwasang ang paglaganap pa ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa bansa.

Binahagi ng ABS-CBN news ang larawan ng minamanehong jeep ni Federico “Boy” Tiozen Jr. kung saan gumamit siya ng kahon ng mga tetra pack juice para maihiwalay ang kanyang mga pasahero sa isa't isa.

Ayon pa kay Tiozen, wala naman sa kanyang problema kung kaunti lamang ang maisakay niya sa biyahe. Ang mas mahalaga raw ngayon ay ang kaligtasan ng lahat lalo ng kanyang mga pasahero.


Samantala, hinangaan din ng netizens ang ginawa ng isa ring jeepney driver kung saan may nakasabit naman na alcohol sa kanyang jeep.

Habang nagkakaubusan na ng mga alcohol sa mga pamilihan, naisipan pa raw ng driver na magbahagi nito sa kanyang mga pasahero.

Bagaman at naipatupad na ang community quarantine ngayong Marso 15, mayroon kasi tayong mga kababayan na kailangang kumayod at maghanapbuhay.

Kaya naman laking pasalamat ng mga netizens na may mga responsableng jeepney driver na iniisip din ang kapakanan ng kanilang mga pasahero.


Kasalukuyan nang nasa 140 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 ayon sa Department of Health kaya naman patuloy pa rin ang paalala ng naturang ahensya na palaging maghugas ng kamay, maging malinis sa katawan at hangga't maaari ay huwag na munang lumabas ng mga tahanan kung di naman kailangan.
Powered by Blogger.