Raffy Tulfo, may hamon sa mga security agencies kaugnay sa Greenhills hostage-taking

Sa March 4 episode ng Raffy Tulfo in Action, naglabas na ng saloobin ang "Idol Raffy" ng bayan ukol sa naganap na hostage-taking sa Greenhills San Juan nitong Lunes.

Unang naiulat ng Trending Bytes na sa mismong Virra Mall naganap ang pangho-hostage sa nasa 30 na mga empleyado ng gusali kung saan ang dati nilang security guard na si Alchie Paray ang hostage-taker.

Magsilbing 'wake-up call' daw ang pangyayaring ito ayon kay Tulfo partikular na sa mga security agencies kung saan maraming sama ng loob ang mga sekyu tulad na lamang ni Paray.


Masasabi raw na kaawa-awa ang buhay ng mga guwardiya dahil sila ang isang halimbawa ng "overworked, underpaid" na mga empleyado.

Napag-alaman ng Trending Bytes na kumikita lamang sila ng 400 pesos sa 12 oras na pagbabantay nila sa isang araw.

Ang masaklap, minsan umaabot pa ng 24 oras, 36 o maging 48 oras ang pagbabantay nila sa kanilang pwesto nang walang tulog ngunit wala man lang daw overtime pay at maging night differential ang mga kawawang sekyu.

Nabanggit din ni Tulfo na wala ring benepisyo ang mga sekyu ngunit kinakaltas naman ito sa kanilang sahod.

Sa kasamaang palad, pangho-hostage ang nakitang paraan ni Paray upang marinig ng kinauukulan at ng publiko ang hinaing ng tulad niyang sekyu.

Ayon pa kay Tulfo, sana ay dumulog na lamang din ito sa kanilang programa kung saan araw-araw 80% ng mga dumudulog sa kanila ay mg pobreng manggagawa at ang 90% daw ng mga ito ay mga sekyu.

Nangako naman si Tulfo na makikipagtulungan sila upang aksyunan ng kinauukulan ang mga daing ng security guards sa bansa dahil kung hindi, malaki raw ang posibilidad na maulit ang hostage-taking tulad ng naganap sa Greenhills.

Narito ang kabuuan ng video: