69 anyos na lolo, pumila nang matagal kahit may asthma ngunit walang nakuha na cash aid

Isang 69 anyos na lolo ang umuwi ng walang P8,000 na ayuda matapos pumila nang matagal sa bangko.

Nalaman ng Trending Bytes na si Lolo Jimmy Tindugan ay isang taxi driver at alas-5 pa lang ng umaga ay pumila na siya upang makakuha ng tulong mula sa gobyerno.

Subalit, ayon sa Facebook post ni Jacque Manabat, hindi nakuha ni lolo ang tulong na inaasahan niya sapagkat wala umano sa listahan ang pangalan niya.

Kahit na may asthma si Lolo Jimmy, tiniis niya ang paghihintay nang matagal at gutom para lang makakuha ng ayuda ngayong tigil pasada siya dahil sa enhanced community quarantine.

Kwento ni Manabat, tinawagan niya si lolo noong kinagabihan upang kumustahin siya. Sabi ni Lolo Jimmy, muntikan na raw siya himatayin habang pauwi siya. Buti na lang daw ay may motoristang nagmagandang loob na tulungan siya. Ngunit, hinuli umano sila dahil bawal ang mag-angkas ng pasahero ngayon sa motorsiklo.


Pagka-uwi umano ni Lolo Jimmy, naghihintay sa kanya ang asawa niyang na-stroke noon at wala pang nakakain sa buong araw na iyon.

“Nangutang muna ako sa tindahan. Tapos ang daming tumawag sakin na gusto raw tumulong. Pakisabi salamat,” sabi ni Lolo Jimmy.

Nang tanungin ni Manabat si lolo kung kaya niya pa, ang tanging sagot na lang nito ay, “Kaya pa, ewan ko kung kaya ko pa.”

Hindi lahat ng drivers ay nabigyan ng ayuda dahil limitado lang ang kayang i-accommodate ng bangko na 350 na tao kada araw.