Gipit man dahil sa sitwasyon natin ngayon, vendor sinauli ang Php 10,000 na kanyang napulot

Isang magandang balita na naman ang makapagpapangiti sa atin sa gitna ng kinakaharap natin ngayon.

Isang vendor ang nagsauli sa may-ari ng pitaka. Ipinost ng artista at kapitana ng Barangay Longos, Malabon na si Angelika dela Cruz ang kuwentong ito sa social media.

Si Jojo Tiamzon ay nakapulot ng pitaka na may lamang P10,000. Gipit man sa buhay lalo na ngayon na may enhanced community quarantine, hindi niya naisipang kunin at gamitin ito. Pumunta siya sa barangay at itinurn-over doon ang pera.


Na-contact naman agad ang may-ari dahil sa mga IDs sa kanyang pitaka. Nasauli kay Jose Pacho na kumpleto ang laman ng kanyang pitaka.

Pinuri ni Angelika ang vendor, “Sir saludo po ako sa inyo. Sana po marami pang tao ang maging katulad ninyo.”

Napahanga ang mga netizen at nagpahayag na rin ng pagpupuri.

Isa sa kanila ang nakakakilala kay tatay. Ayon kay Bea Santos, “Grabeng sipag ‘yan ni tatay. Ice cream, donut, atbp, kahit ano tinitinda niyan ni tatay. Sana pag nakita ninyo siya kahit bumili na lng kayo. Parang tulong na rin kaysa magbigay kayo sa mga nanghihingi lang. Salute kay tatay na matapat na masipag pa.”

Para naman kay Ma Teresa D Marcelo, inihambing niya ang kabutihan ni tatay sa mga binibigyan ng ayuda ngunit nagrereklamo pa rin.


“Salute po. Naghahari pa rin ang kabutihan. Mabuti pa si tatay kung iisipin pwede niyang pag interesan ito dahil sa dinaranas natin. Pero mas nanaig ang kabutihan niya  hindi gaya ng iba. Binibigyan na ng ayuda, dami pang reklamo. Ang ibang nabigyan ng pera ng government, ibinibili pa ng mga bisyo nila. Hay! Purihin ka lalo ng ating Panginoong Hesus sa kabutihan na iyong ginawa. God bless you po. God always guide you po si tatay.”

Kami rin ay saludo sa inyo, Tay! Darating ang araw, mabiyayaan rin po kayo dahil sa inyong kabutihan.