Kuya Wil, Manny Pacquiao, planong magtulungan para sa mga apektado ng COVID-19 crisis

Nagkaroon ng pag-uusap ang Wowowin Host Willie Revillame at Senator Manny Pacquiao tungkol sa mga plano nilang pagtulong sa mga kababayang lubhang apektado ng coronavirus lockdown.

Sa online show ni Kuya Wil na “Tutok To Win” habang kasalukuyang nasa Puerto Galera, nakapanayam niya si Sen. Manny ukol sa kanilang pagtutulungan para sa mga mamamayan.

Dagdag niya, humihingi na raw siya ng permiso sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para makauwi siya sa Maynila upang handugan ang mga kababayaan doon.

Naisaad din ng TV host na nakakuha na siya ng bigas sa halagang P1 million at mayroong kasamang noodles at delata na balak pa umano niyang direktang dalhin sa mga nangangailangan.


Nilinaw naman ni Kuya Wil kay Sen. Manny na hindi umano ito challenge o pagpapasikat, nais lang daw niyang makipag-uganayan at humingi ng tulong sa senador.

“Sa totoo nga ‘yung ibang property ko, gusto kong ibenta. Gusto ko talagang, kahit kalahati na ang mabenta, ibigay na. Dahil kawawa ang ating mga kababayan, sobra, nakikita sa hirap,” ani Wowowin host.

Tugon naman ni Sen. Manny, kailangan umanong tulungan ang gobyerno sa pamamagitan ng pakikiisa at pagkukusang makapagbigay-tulong bilang indibidwal.


Binanggit din ng senador na mahalagang makapag-ambag sa mga programa ng gobyerno para sa mga Pilipino.

Lubhang mahalaga raw ang pagbibigay ng pagkain gaya ng bigas dahil lahat umano ng tao ay nakakaranas ng gutom.

“Kasi naiintindihan ko talaga ang mga tao na nagugutom dahil alam niyo, ‘yang one week, two weeks, one month, napakatagal na po ‘yan. Kung walang ayuda ng gobyerno, magugutom ang taong bayan, magugutom ang bawat pamilya,” saad ng senador.

Sa huli ay tiniyak naman ni Sen. Manny na maaari nang mabigyan ng permit ang TV host lalo pa’t para naman daw sa pagtulong sa tao ang kanyang adhikain.