Lolo na di na nakakain sa loob ng dalawang araw, nabiyayaan ng tulong dahil sa viral post

Naging agaw-pansin sa social media ang post ng netizen na si Maemae Surio na siyang unang tumulong sa matandang mangangalakal na si Antonio Pabita.

Kwento ni Maemae, nanghingi umano sa kanya ng pambili ng makakain ang matanda at hindi pa raw ito kumakain sa loob ng dalawang araw. Ibibili rin daw niya ng pagkain ang Grade 2 na apo niyang di pa rin kumakain.

Nadurog ang puso ni Maemae at binigyan niya ito ng biskwit at gatas upang mainitan daw ang kumakalam na sikmura ng matanda.


Napag-alaman din niyang pangangalakal ang ikinabubuhay nito. Kaya naman ngayong naka-lockdown ang Luzon ay pinagbabawalan silang mag-ikot upang mangalakal. Ito ang dahilan kung bakit gutom ang inabot ng matanda gayundin ng kanyang binubuhay na apo.

Dahil sa nag-viral ang post at ilang netizens ang nag-tag sa matulungin na vlogger na si Basel Manadil o mas kilala sa tawag na "The Hungry Syrian Wanderer", nagawan niya ng paraan na matulungan ito.


Namili siya ng mga grocery para kay Tatay Antonio at kinontak niya si Maemae upang personal na maiabot ang tulong sa matanda. Sinadya mismo ni Basel si Tatay Antonio sa Las PiƱas, Annex Camatsili at naiabot niya ang mga pagkaing handog upang di na ito magutom sa panahong naka-quarantine pa rin ang Luzon.

Nagbigay din siya ng tulong pinansyal sakaling kulangin pa ito sa pagkain sa mga susunod na araw.


Ayon kay Basel, binahagi niya ito hindi para ipagmalaki kundi para ipamulat sa atin na mayroong mga kababayan tayong nagugutom na at nangangailangan ng tulong natin lalo na sa panahon ng krisis dala ng COVID-19.

Maging inspirasyon daw ito sa iba na maghandog ng tulong sa abot ng ating makakaya dahil isa ito sa mga kailangan natin upang tuluyan nang mapigilan ang pagkalat pa ng virus na kumitil na ng maraming buhay sa buong mundo.