Pumanaw ang ina at naka-quarantine naman ang ama: 4 na magkakapatid, namumuhay nang sila lang


Naiwang walang nag-aalagang nakatatanda ang magkakapatid na sina Marjun, Cathleen, Johnvic, at Jesna na pawang mga taga Minglanilla, Cebu.

Nalaman ng Trending Bytes na pumanaw na ang ina ng mga bata noong Mayo 4 sa sakit na hypokalemia. Ito ay ang pagbaba ng lebel ng potassium sa dugo.

Ayon sa ulat ni Jude Torres ng ABS-CBN News, hindi man COVID-19 ang ikinamatay ng ina, agad na rin itong inilibing dahilan para hindi na ito muling makita pa ng kanyang mga anak.

Bilang pag-iingat, kasalukuyan namang naka-quarantine ang ama na siyang nagbantay sa kanyang asawa noong ito'y nasa ospital pa.

Kaya naman naiwan sa pangangalaga ng 14-anyos na panganay ang kanyang mga kapatid.

Awang-awa sa mga bata ang kanilang mga kapitbahay kaya naman tinutulungan na rin nila ito.

Binibigyan daw nila ito ng makakain at sila na rin ang kahit na paano'y tumitingin sa kalagayan ng mga ito.

Panoorin ang video dito:

Maging ang pamunuan ng kanilang barangay sa Sitio Panaghiusa II sa Barangay Tunghaan ay nangakong tutugunan nila ang ma pangangailangan ng mga bata lalo na at walang magulang na gumagabay sa kanila ngayon.