Viral na tindero ng kendi na nabigyan ng bisikleta, nabigyan pa ng ibang tulong


Mabilis na nag-viral ang video ng pagtulong ni Fe Carandang, may-ari ng Carandang bike shop sa Pasay sa 82-anyos na nakilalang si Carlo Samonte.

Sa naunang ulat ng Trending Bytes, Mayo 15, binabalik-balikan na raw ni Tatay Carlo ang inaasam na bike ngunit kulang ang pera niyang ₱2,000 para rito.

Hanggang sa nito lamang Miyerkules ng tanghali, Hunyo 3 nang i-surpresa siya ng may-ari ng shop at hindi na pinabayaran ang minimithi niyang bike.

Kita ang kagalakan ng matanda dahil malaking tulong ito sa pagpunta niya sa lugar kung saan siya naglalako ng kendi.

Bago siya magkaroon ng bike, nilalakad niya mula Pasay hanggang Makati para lamang makapaglako.


Dahil dito, marami ang naantig ang puso sa video na ito ni Tatay Carlos at marami rin ang humanga sa may-ari ng bike shop na may mabuting kalooban na magbigay ng tulong sa matanda.

Dumagsa rin ang tulong para kay Tatay Carlos mula sa netizens at labis din siyang nagpapasalamat sa mga ito.

"Napaiyak ako nang lumuha. Malaking bagay 'yung nagagawa nila. Nagpapasalamat ako," pahayag niya nang makapayam siya ni Tina Panganiban Perez ng GMA News.

Sadyang masipag din si Tatay Carlos. Ayon sa anak niyang si Roselyn, hindi na raw nila pinagtatrabaho ang ama ngunit ito lamang daw ang mapilit.

Nag-aalala na rin kasi sila lalo pa at may mga masasamang tao na napapagtripan si Tatay Carlos dala ng kanyang edad.

Gayunpaman, abot-abot din ang pasasalamat nila sa mga nagmalasakit sa kanilang ama at nangibabaw pa rin ang pagtutulungan sa panahon ng pandemya.