Arnold Clavio, trending matapos ang pag-amin ni Sarah Balabagan


Matapos bumulaga ang nakakawindang na rebelasyon ni Sarah Balabagan, ang dating OFW na naging kontrobersyal matapos mahatulan ng kamatayan sa United Arab Emirates, trending sa social media si Arnold Clavio.


Ito ay matapos isiwalat ni Balabagan na si Clavio ang ama ng kanyang 21-anyos na anak.


"Kaya ko to ginagawa dahil after 22 years, lumabas na naman. Sabi nga nila, walang bahong hindi lalabas. Hindi naman po ako nalungkot dahil by God’s grace, masaya na ako sa buhay ko," anito.


"Ang ama po ng panganay ko ay yes, si Arnold Clavio po," pag-amin nito.


Batay kay Balabagan sa pamamagitan ng Facebook live, nagkaroon sila ng relasyon ni Clavio noong 1996 hanggang 1997.


Kwento nito, una niyang nakilala ang batikang mamamahayag noong kasama itong bumisita sa kanya habang siya ay nakapiit sa UAE.


Nang maabswelto sa hatol at makauwi sa Pilipinas noong 1996 ay isa rin daw si Clavio sa mga nag-cover sa kanyang istorya.


Dito na raw sila naging close at nagkapalagayan ng loob hanggang sa humantong na nga sa isang relasyon.


Aniya, nais lamang niyang tuldukan na ang mga haka-haka tungkol sa totoong ama ng kanyang panganay na anak.


Sari-sari naman ang naging reaksyon dito ng mga Pinoy netizens na talaga namang ikinagulat ang balitang ito.


Mayroong nagpakita ng suporta kay Igan ngunit mayroon din namang kumuwestyon sa nagawa nito.



Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang Kapuso journalist ukol sa mainit na isyung ito.