John Regala, na-discharge na sa ospital at patuloy na magpapagaling sa kanyang tahanan


Nakauwi na mula sa ospital ang aktor na si John Regala matapos ang nasa walong araw na pamamalagi nito sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI).


Sa pagpapa-ospital ng action star, ilang test ang isinagawa sa kanya kaugnay ng mga iniindang karamdaman tulad ng liver cirrhosis, gout at diabetes.


Nalaman ng Trending Bytes na bumubuti na ang lagay ng kilalang action star at ipagpapatuloy na lamang ang pagpagaling sa kanyang tahanan.


Sa update na ibinigay ng entertainment columnist na si Aster Amoyo, kinumpirma nitong discharged na sa ospital ang aktor.




Nabanggit nitong dapat na manatili pa sana ng aktor ng ilan pang araw sa ospital ngunit mas minabuti na raw nito na umuwi na lamang.


Nagpasalamat din ang kolumnista sa mga nagpaabot ng tulong kay John na siyang ginamit nilang pambayad sa hospital bills at iba pang kailangan nito.


Si Aster ang isa sa mga unang nagmalasakit na tulungan si John matapos na mag-viral ang kanyang larawan na humihingi ng tulong sa Pasay City.


Kasama ni Aster sina Nadia Montenegro, Lisa Dino-Seguerra at Chuckie Dreyfus na nag-asikaso sa pagpapa-ospital ni John.


Isa rin ang dating misis ni John na si Aurina Alvarez Manansala Hunt sa mga nagbigay ng tulong sa aktor.


Kahit na siya ay nasa Amerika, si Aurina pa ang kumuha ng tagapag-alaga kay John masiguro lamang na mayroong mag-aasikaso sa aktor lalo na at nahihirapan ito sa kanyang kalagayan.



Kamakailan ay naging emosyonal ang naging pag-uusap nila sa programa ni Raffy Tulfo.


Maging ang host ng naturang programa ay nagpabatid din ng tulong sa aktor nang makita ang kalagayan nito sa viral post.


Hiling ng marami na patuloy na gumaling ang sikat na action star ng dekada 90 lalo na at nagsabi siyang gustong-gusto pa sana niyang bumalik sa showbiz ngunit tinamaan naman siya ng kanyang karamdaman.


Isa sa mga pinakahuling proyekto ni John bago siya magkasakit ay ang FPJ Ang probinsyano na pinagbibidahan ni Coco Martin.