LTO officer, suspendido matapos na magpa-rebond sa mismong opisina nila


Suspendido ang isang female employee ng Land Transportation Office sa Dipolog City matapos na magparebond ito ng buhok sa kanila mismong opisina.


Nalaman ng Trending Bytes na malakas pa ang loob nitong i-video ang 'hair rebonding session' na naganap sa sa oras ng trabaho at nagawa pa niyang i-post ito sa social media.


“This is a clear violation of the civil service rules,” pahayag ni LTO-Zamboanga region director Aminola Abaton base sa ulat ng Philippine Star.


Magsisimula ang supensyon ng empleyado sa Agosto 10 at limang araw itong walang sahod dahil sa suspensyon.


Hindi pa nakukumpirma kung ang babaeng gumagawa sa buhok ng empleyado ay kapwa niya empleyado rin.


Base isinasagawang imbestigasyon, nakita pang mayroong customer na naghihintay habang patuloy na isinasagawa ang pagre-rebond.


“I have informed Assistant Secretary Galvante about the video and he instructed the regional director of LTO-9 to impose necessary disciplinary action. The CSC Region 9 will be verifying and monitoring the case,” pahayag ni CSC Commissioner Aileen Lizada kahapon, Agosto 7 kung kailang inilabas ang order ng suspensyon ng empleyado.


Kung mapapatunayang guilty ang naturang empleyado, di lamang suspensyon ang haharapin nito. Maari itong mauwi sa dismissal o pagkakasibak sa trabaho.


Mula Marso sumailalim na sa iba't ibang community quarantine ang bansa. Ang ilang lugar nakaranas pa ng ilang araw na hard lockdown bilang pag-iingat sa patuloy na paglaganap ng COVID-19 sa kanilang barangay o kanilang komunidad.


Sa tagal ng community quarantine sa bansa, tila namomroblema na ang ilang kababaihan sa pagpapa-parlor o pagpapaayos ng kanilang mga buhok gaya na lamang ng ginawa ng empleyado ng LTO. Sarado kasi ang mga salon sa panahon ng quarantine dahil close contact ang services ng mga ito na posibleng maging dahilan ng pagkakahawahan ng virus.


Matatandaang noong Abril, isang babae ang nahuli sa curfew dahil umano nagpa-rebond ito. Ang masaklap pa rito, ang perang ibinayad niya sa pagpapaayos ng buhok ay ang natanggap niyang ayuda na ₱6,500.