Mga pulis sa CamSur, pinakyaw ang paninda ng batang naglalako sa gilid ng kalsada


Nasaksihan ng netizen na si Rolyn Garbo ang kabutihang ipinakita ng mga pulis sa Camarines Sur sa batang naglalako sa gilid ng kalsada sa Barangay Binanuaanan.


Nalaman ng Trending Bytes na maging si Rolyn ay nais tumulong sa batang babae na matiyagang nakaupo sa gilid ng kalsada maibenta lamang ang panindang sitaw.


Ngunit nang kanilang balikan ang bata, naroon na ang mga pulis na namamakyaw ng paninda nito.




"Babalikan sana namin nang makita namin ang mag pulis na ito na pinakyaw lahat ng paninda ng bata sa lugar at pinaalalahanan sa seguridad lalo at menor de edad at babae ang bata na nasa tabing kalsada at walang kabahay bahay," kwento ni Rolyn sa kanyang post.


Lalong humanga si Rolyn sa mga pulis dahil matapos na pakyawin ng mga ito ang paninda ng batang babae ay hinatid pa nila ito upang masiguro na maayos itong makauwi.


Umani rin ng papuri mula sa mga netizens ang mga pulis dahil sa busilak nilang puso at pagmamalasakit sa batang babae.


Sana raw ay pamarisan ng marami ang mabuting ginawa ng mga pulis lalong lalo na sa panahong ramdam ng bawat isa ang krisis na dala ng COVID-19.


Bagaman at bawal lumabas ang mga bata, napilitan marahil ang bata na maglako upang makatulong sa kanyang pamilya na marahil ay lalong naghihikahos dala ng pandemya.




Nakakataba ng puso na malaman na umiiral ang pagtutulungan sa mga panahong dumaranas ng matinding krisis ang bansa.


Sadyang likas na matulungin ang mga Pilipino at maawin sa mga batang sa murang edad ay natututo nang magbanat ng buto dala ng kahirapan.


Ang ilang bata naman, nagagawang maghanapbuhay upang kusang-loob na makatulong sa kanilang pamilya.


Sila man ay bata sa ating paningin, minsan, nauunawaan na nila ang kanilang kalagayan at sitwasyon kaya naman ang iba sa kanila'y nakakaisip na ng paraan upang makapagbanat ng buto at makadagdag sa panggastos ng kanilang mag-anak.