Nasa 11 na buhawi, sabay-sabay na lumitaw sa Gulf of Mexico


Nasapul sa video ng isang netizen ang paglitaw ng kakaibang buhawi na namataan sa GUlf of Mexico.


Nalaman ng Trending Bytes na hindi lamang isa kundi anim na tinatawag na "tornadic waterspouts" ang nakunan ng residente ng Louisiana, USA na si Frank Leday.


Sa kanyang Facebook post nitong Agosto 20, tila namangha pa siya sa sabay-sabay na pagkakaroon ng ipo-ipo sa iisang lugar.


"Wow!! Ever see 6 water spouts at once?" ang caption ng kanyang video.


Samantala, sa ulat ng Fox News, sinabing hindi lamang pala anim kundi 11 na mga buhawi ang lumabas.


Sa naibahagi naman ng meteorologist na si Scot Pilie, bagong record umano ang 11 na sabay-sabay na paglitaw ng waterspouts na kuha ni Daniel Billiot Jr.




Pinaniniwalaang ang paglabas ng mga waterspouts ay bunsod sa inaasahang tropical depression sa darating na mga araw.


Wala namang naiulat na pinsala sa ang naganap na paglitaw ng mga buhawi na nananatili lamang sa tubig.


Hindi tulad ng naganap sa California na 'firenado' kung saan isang buhawi ng apoy ang nanalasa habang nagaganap ang wild fire.


Bukod pa rito, naiulat din sa naturang lugar ang tinatawag na 'wild night' na naranasan ng mga residente roon. Ito ay ang patuloy na pagkulog at pagkidlat na naging sanhi pa ng maliliit na sunog sa tinatamaang mga lugar.