PANOORIN: Lalaki, 7 oras tumayo nang malamang may pumasok na cobra sa suot na pantalon


Ano’ng gagawin mo sakaling malaman mong may ahas na nakapasok sa iyong pantalon habang natutulog?

Gaya ng nangyari sa Uttar Pradesh, India kung saan isang lalaki ang hindi gumalaw at tumayo ng pitong oras nang mapagtantong may nakapasok na ahas sa suot niyang pantalon.

Ayon sa report ng Times Now, nakuhanan ang nakakatakot ngunit ‘nakakatawang’ pangyayari noong Hulyo 29 sa Sikandarpur village nang may isang grupo ng manggagawa nagtungo sa lugar para mag-ayos ng electric poles at wires.

Matapos kumain kinagabihan ay natulog na ang mga ito kabilang na ang lalaking si Lovekesh Kumar.

Sa hindi inaasahang pangyayari, nasa kalaliman na raw ng gabi nang magising ito nang may maramdamang kakaiba sa kanyang pantalon.

Nagising siya at napag-alamang walang iba kundi ahas ang nakapasok dito kaya dahan-dahan umano siyang tumayo para masiguro ang kanyang kaligtasan.

Tumawag ng rescue ang lalaki at sa tulong ng isang poste kung saan siya nakahawak habang nakatayo ng pitong oras, nahintay ni Kumar ang pagdating ng rescue team.

Kuha sa video na ibinahagi sa Twitter ni Koushik Dutta, mapapanood ang isang lalaking maingat na ginugupit ang pantalon ni Kumar hanggang maipalabas nito ang naturang hayop.

Sa huli ay napag-alamang cobra ang nakapasok sa suot na pantalon ni Kumar na nakawala naman matapos magtagumpay ang team.

Bagama’t hindi na nakuha pa sa video, sa kabutihang palad ay nagbunga ang pagtitiis ni Kumar na hindi gumalaw at tumayo ng matagal dahil hindi siya nagtamo ng kagat o anumang sugat mula rito.

Agad namang nagviral ang video na naging katatawanan pa online.

Panoorin ang video dito: