Kamag-anak na nag-abandona sa 76 anyos na lolang PWD sa ilalim ng tulay sa Maynila, arestado



Arestado ang tatlong suspek na sangkot sa pag-abandona ng isang senior citizen na PWD sa ilalim ng McArthur Bridge.


Sa isang Facebook post ng Manila Public Information Office, napag-alaman ng Trending Bytes na kabilang sa tatlong naaresto ay ang mismong pamangakin ng matanda na kinilala sa pangalang Ephraim Tan Yap.



Ayon kay Yap, tatlong linggo na naka-confine ang kanyang tita na si Mrs. Tan sa Metropolitan Medical Center. Ito ay napunta sa kanyang pangangalaga matapos mamatayan ng asawa.


Ayon kay Yap, kasama ang isa pang suspek na nagngangalang Mrs. Emerita Decilio, inihingi nila ng certification mula sa barangay na magpapatunay na inabandona na niya ang kanyang tiyahin upang matanggap umano ito sa Missionary of Charity.


"Mayroon na po akong certificate sa barangay na si Mrs. Tan ay abandoned kaya kailangan tanggapin ng Missionary of Charity kasi abandoned na. Pero wala pong tumanggap sa'min, kaya desperado na po ako. Aaminin ko po iniwan ko po," ani Mrs. Decilio.


Bukod sa dalawa, makakasuhan din ang driver ng tricycle na inarkila nila nang iwan ang matanda sa ilalim ng McArthur Bridge.


Matatandaang unang nag-viral ang picture ng senior citizen matapos ibahagi ng Facebook user na si Christian Enchaw na humihingi ng tulong para sa matanda.




"Urgent please patulong nmn contact ang Mdswd pa rescue ng matandang babae dito sa ilalim ng tulay ng MacArthur bridge sa gilid ng feati. Iniwan lang ng tricycle driver dito. Kawawa naman si nanay," ani Christian sa kanyang post.


Kasunod ng pag-viral nito, sinagip ng mga taga-barangay sa Maynila ang matanda ayon sa ulat ni Jun Veneracion ng 24 Oras.