Sanggol sa Bataan, binawian ng buhay nang dahil sa marshmallow



Isang sanggol ang binawian ng buhay sa isang barangay sa Bataan dahil sa kinain nitong marshmallow.


Nalaman ng Trending Bytes na biglang nabulunan ang bata nang sandaling iwanan ito ng kanyang nanay.


Ayon sa YouTube video ng TNN, pinapakain ng nanay ang anak ng marshmallow. Subalit, umalis ito saglit para kumuha ng tubig.


Habang kumukuha ng tubig ang ina ay dito na nga nangyari ang insidente. Paliwanag ng lola ng bata, maaaring nakakuha ng malaking marshmallow ito kaya nabulunan.



"Pinapakain ng nanay 'yun, eh bantay-bantay naman niya, kaya lang pagkuha niya ng tubig, ayun na nga ho, siguro, nakapulot ng malaking marshmallow, kasi ho ginugupit gupit niya yun," sabi ng lola ng sanggol.


“Ang ginaw ako naman, tinawag ko ‘yung anak ko. Eh kaso naman, dinala na ho sa ospital ‘yun,” dagdag niya pa.


Kwento naman ng ama biktima, sinubukan pa nilang sagipin ang bata pero wala na itong buhay nang madala sa ospital.


Sa ulat naman ng ABS-CBN News, nagbabala ang ekspersto na laging bantayan ang bata at huwag papabayaang mag-isa lang ito kahit anong mangyari.


"Kahit ano pa yan kahit marshmallow yan o kahit anong bagay pa yan, kailangan hindi iniiwanan mag-isa ang mga bata. Otherwise, they have the tendency to pick anything and then put in their mouth,” sabi ni Dr. Paul Baltazar.