Driver at pasahero kaugnay sa "AirPods" issue, ipapa-lie detector test ni Raffy Tulfo



Nagsalita na ang umano'y pasahaero na si "Xian" sa nag-viral na post tungkol sa nawawala niyang AirPods na nauwi sa pagbabanta ng kanyang nobyo sa driver ng sinakyan nitong kotse.


Nalaman ng Trending Bytes na nakarating na sa programa ni Raffy Tulfo ang kontrobersiyang ito nang magreklamo na ang driver na si Rommel Abatayo.


Ayon kay Abatayo, pinagbantaan na umano ng nobyo ni Xian na si Ar-R Gapusan ang kanyang pamilya kasabay ng pagbibintang na kinuha niya umano ang AirPods.



Sa salaysay naman ng pasahero, aminado siyang mali na iniwan niya ang gamit nang bumalik sila sa kanilang tahanan dahil naiwan niya umano ang kanyang wallet.


Ngunit nang siya ay sumakay muli, doon niya napansin na wala na ang AirPods na nagkakahalaga ng halos PHP15,000.


Ayon pa kay Xian, sa pamamagitan ng GPS locator ang AirPods na maaring makapagsabi kung nasaan ito at base sa app, naroon pa rin ito sa kotse ni Abatayo.


Nang makarating sa destinasyon, hinayaan umano ng driver na maghalughog sa kotse si Xian ngunit dahil hinahabol nito ang oras ng kanyang trabaho, umalis na rin agad siya.


Matapos na marinig ang magkabilang panig lalo na at maging ang ilang mga netizens ay nagsasabing hindi raw maaring magkamali ang locator, iminungkahi na ni Tulfo na ipa-lie detector test ang magkabilang panig.


Sa ganitong paraan, magkakaalaman kung sino ba talaga ang nagsasabi ng totoo sa dalawa.