P1.8 million na ipon na sana ng OFW, naitakbo at naubos ng GF



Humingi na ng tulong kay Raffy Tulfo ang dating OFW na si Ryan Katigbak dahil sa naitakbo at naubos na umano ng kanyang dating nobya na si Kristine Mae Cortiguerra ang perang nagkakahalaga ng ₱1.8 million na kanila na sanang ipon.


Nalaman ng Trending Bytes na buwan-buwan, nakapagpapadala ng ₱100,000 si Ryan kay Kristine kaya naman umabot na sa halos dalawang milyong piso ang kanya sanang pera na naipon.


Subalit nang umuwi na siya ng Pilipinas nitong 2020, napag-alaman niyang naglaho nang parang bula ang kanyang milyong-milyon na salapi. Depensa ni Kristine, nagayuma at nabudol umano siya ng driver nilang si Rodrigo Magnaye.



Tuwing sumasakay umano si Kristine sa sasakyan ni Rodrigo, inaakala niyang nagdi-disinfect lamang ito, ngunit iyon na raw pala ang dahilan kung bakit bigla na lamang siyang nahihilo.


Subalit, sinangga na kaagad ito ni Tulfo at tinanong kung bakit naman nito hinayaan na pauli-ulit itong gawin sa kanya ng nasabing driver.


Nang makapanayam naman ni Tulfo ang driver, pinabulaanan nito ang mga akusasyon ni Kristine. Siya pa raw ang may hawak ng ebidensya na nais pa umanong ipapapatay ni Kristine si Ryan.


Dahil dito, lalo nang nanggalaiti sa galit si Ryan na ang nais na mangyari ay ang mabayaran siya ng dating nobya. Imbis kasi na mayroon silang nagagastos ng kanyang pamilya, sila pa ngayon itong namomroblema dahil sa ngawa ng dating nobya.


Desidido na rin ang si Ryan na kasuhan si Kristine lalo na at hindi nito maibabalik kaagad ang perang kanyang pinaghirapan sa abroad.