Ruffa Gutierrez handang makipag-ayos sa dating asawa na si Ylmaz Bektas



Ipinahayag ni Ruffa Gutierrez na magkikita silang muli ng kanyang dating asawang Turkish businessman na si Ylmaz Bektas para pag-usapan ang co-parenting duties nila sa dalawa nilang dalagita na sina Lorin Gabriella at Venice.


Ika-15 ng Pebrero nang nagkaroon ng Zoom Press Conference ang Entertainment Press at doon ibinunyag ni Ruffa ang mga rason kung bakit gusto niya ulit makipag-ayos sa dating asawa.


Sinabi ni Ruffa na bukod sa may dalawa silang anak ay malalim ang pinagsamahan nila ni Ylmaz sa loob ng pito hanggang siyam na taon.




Sinabi rin niya na gustong makasama ng dati niyang asawa ang kanilang mga anak kaya may plano itong pumunta ng Manila ngayong Hunyo. Pero kung hindi man ito matuloy dahil sa pandemya, gusto nitong ang mga anak nila mismo ang pumunta sa Turkey.


Idinagdag din niya na sinabi daw ng dating asawa sa kanya na siya ang greatest love nito.


“Ako raw ang pinaka-greatest love niya. I told you, mahirap akong kalimutan. Masarap kasi akong magmahal. Gusto niya to try to make things right for the kids,”


Sinagot naman ni Ruffa ang dating asawa na tuparin muna nito ang matagal niya nang pangako sa kanila simula noon pa na pupunta raw ito uli ng Pilipinas.


Sinabi niya ring greatest love rin niya ang dating asawa pero hindi ibig sabihin ay siya na ang kanyang forever.


Hindi maiwasang maging emosyonal ni Ruffa sa interview habang pinag-uusapan ang dati niyang asawa.



Nung tinanong siya tungkol sa relasyon ng kanyang mga anak sa kanilang ama ay sumagot siya:


“Welcome sa kanila ang ama nila pag bisitahin sila nito.”


Idinagdag niya rin na naging parehong ina at ama siya sa dalawa niyang dalagita simula nang maghiwalay sila. Hindi man siya bilyonaryo para mabigyan ng pinakamagandang edukasyon ang kanilang mga anak ngunit ipinakita niya kay Ylmaz na kaya niyang buhayin at palakihing mag-isa ang mga ito.