Pacquiao, nilinaw na 'charity work' lang ang pagbabahagi ng tulong sa Batangas



Kinumpirma ni Senator Manny Pacquiao na namahagi sila ng Php1000 at grocery items sa mga biktima ng kalamidad kamakailan sa Batangas.


Nalaman ng Trending Bytes na nasa 7,000 na indibidwal ang nabigyan ng tulong ni Pacquiao sa naturang pagtitipon.


Ngunit sa kabila ng sinasabing 'charity work', paiimbestigahan pa rin ito umano ni Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año gayung nakatanggap umano sila ng ulat ng paglabag ng safety protocols sa kaganapan.



Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nilinaw ni Sen. Manny na mayroong mga pulis sa lugar na mayroon pang mga hawak na placard bilang paalala sa mga dumadalo patungkol sa social distancing. Subalit sadyang marami umanong tao ang dumagsa sa pagtitipon lalo na iyong mga umaasang mababahaginan ng tulong mula kay Pacquiao.


"It happened lang talaga na sa dami ng taong pumunta… dun mo makikita na hirap na hirap ang mga tao. Nagugutom sila. Kailangan nila," pahayag ni Sen. Manny.


Isa rin sa mga nilinaw ni Paquiao patungkol sa akusasyon na 'vote buying' umano ang pamamahagi niya ng pera kasama ng mga pagkain at iba pang grocery items.


Binigyang diin ni Sen. Manny na ang paggawa niya ng "charity work" at "donation drive" ay nagsimula noong taong 2002, may eleksyon man o wala.




"'Yung pamimigay ng pera at bigas, 2002 ko pa ginagawa 'yan. Noon hanggang ngayon, may eleksyon man o walang eleksyon, talagang habit ko nang mamigay 'pag nakita ko na maraming nangangailangan... nagugutom,"


"Anong gusto nila, mamigay ako ng pera o magnakaw ako?," dagdag pa niya.


Narito ang video na nagpapakita ng ilang mga kaganapan sa nasabing pagtitipon: