Sara Duterte, nag-withdraw ng kandidatura bilang Mayor ng Davao City



Binawi na ni Mayor Sara Duterte ang muling pagtakbo niya sana bilang alkalde ng Davao City sa darating na 2022 Elections.


Nalaman ng Trending Bytes na ngayong hapon ng Nobyembre 9, pormal na inihayag ni Mayor Sara ang pagwi-withdraw niya sa nasabing kandidatura.



Sa kanyang Official Facebook page, kanya ring inihayag na ang bunsong kapatid na si Sebastian Duterte ang papalit sa kanyang iniwang posisyon na balak sanang takbuhan.


Naganap ito matapos na ihayag din ng kanyang kapatid na si Baste ang pag-withdraw din nito sa kanyang kandidatura bilang bise alkalde ng Lungsod ng Davao.


Ito raw umano ay dahil siya ang kapalit ng kapatid sa pagtakbo bilang alkalde ng nasabing lungsod sa Election 2022.





Matatandaang isang buwan pa lamang ang nakalilipas nang pormal na naghain ng kanyang certificate of candidacy si Mayor Sara sa muling pagtakbo niya bilang Alkalde ng Davao City.


Taliwas ito sa inaasahan ng marami, hindi tumakbo sa pagka-pangulo si Mayor Sara.


Wala pang ibang detalyeng ibinigay ang kasalukuyang mayor ng Davao city patungkol sa pagbabago ng kanyang desisyon.