‘Kakampink’ Andrea Brillantes, sinusubukang i-convert ang bf na si Ricci Rivero na isang BBM supporter



Kilalang tagasuporta ni Bongbong Marcos Jr. ang boyfriend ni Andrea Brillantes kaya ang aktres, todo effort na i-convert ito bilang isang “Kakampink.”


Kamakailan ay hayagan nang nagpahayag ng suporta ang 19-taong anyos na si Andrea para sa kandidatura ni Vice President Leni Robredo at running mate nitong si Kiko Pangilinan.


Sa katunayan, isa si Andrea sa mga maningning na celebrities na gumulat sa publiko matapos makiisa sa star-studded na birthday rally ni Robredo noong Sabado.


Sa isang panayam ng isang entertainment YouTube hub, natanong naman si Andrea kung kinukumbinsi niya ang basketball star na jowang si Ricci na kilalang tagasuporta ni Marcos Jr.




“I am trying, ‘wag kayong mag-alala. I’m trying like ilang months na,” pagbubulgar ng aktres.


“He supports me supporting Leni [Robredo] at sobrang na-appreciate ko na ‘yun,” dagdag ni Andrea.


Gayunpaman, umaasa umano si Andrea na makukumbinsi niya si Ricci na kagaya niya’y maging tagasuporta ni Robredo.


“Lagi niyang sinasabi, I’ll support you, supporting Leni. Sabi ko, in the future tatanggalin mo yung ‘you.’ Sasabihin mo nang I support Leni,” sabi ni Andrea.


“‘Yan ang aking goal pero nirerespeto ko siya kasi nirerespeto niya rin ako. ‘Yun naman yung importante. Kahit magkaiba kami ng paniniwala at gusto pero may respeto pa rin kami sa isa’t isa, pero I’m trying pa rin,” natatawang sabi ng aktres.


Sa tingin ng aktres, “may chance” din umano na ma-convert niya kalaunan si Ricci.


Sa huli, hinikayat ni Andrea ang lahat na hindi lang mga karelasyon ang subukang kumbinsihin ngunit hikayatin din ang pamilya at mga kakilala na suportahan ang kandidatura ni Robredo.