VP Leni Robredo, nanawagan: ‘Walang bibitiw. Kasama kayo sa pagtatag ng isang gobyernong tapat sa May 9’



Anim na araw bago ang nakatakdang eleksyon sa Mayo 9, naglabas ng isang video message si presidential candidate Vice President Leni Robredo na nananawagan sa kanyang mga supporters na “walang bibitiw.” Dito rin niya iprenesenta ang kaniyang Economic Recovery Plan na Angat Buhay Pilipino.


Kumpiyansang sinabi ni Robredo ang kaniyang pakiusap sa mga Pilipino, “Ang aking pakiusap ngayon, mga mahal kong kababayan. Walang bibitiw. Kasama kayo sa pagtatag ng isang gobyernong tapat May 9 at ‘pag nai-angat natin ang lahat, lalo na ang mga nasa laylayan gigising tayo sa kulay rosas na bukas.”


Sinimulan ni Robredo ang kaniyang tatlong minutong video message na tila sigurado siyang mananalo siya sa darating na eleksyon. 




“Ilang araw na lang, malapit na natin makamit ang pinapangarap na pagbabago. Punong-puno ang puso ko dahil alam kong kasama ko kayo hanggang sa dulo ng krusadang ito,” saad ng bise presidente. 


Nais lamang niya rin ipapaalala sa publiko kung ano ang nakataya sa laban. Aniya, hindi lang gustong palitan ang bulok at hindi patas na politika ng isang gobyernong tapat at mapagkakatiwalaan kung hindi mai-angat din ang antas ng buhay ng bawat pamilyang Pilipino.


Dito rin inilahad ni Robredo ang kanyang Economic Recovery Plan na Angat Buhay Pilipino sakaling mahalal bilang pangulo ng bansa.