Kapatid ng sekyu na binundol ng SUV, emosyonal na naglabas ng sama ng loob



Hindi napigilang maiyak ng kapatid ng security guard na binundol ng SUV sa Mandaluyong nang magbigay siya ng mensahe sa mga bashers ng kanyang kapatid na nagsasabing modus lang umano ng kapatid niya ang nangyari. Sinigurado niyang hindi sila papaareglo at itutuloy niya ang paghahanap ng hustisya para sa kapatid.



Sa programa ni Sen. Raffy Tulfo, naghayag ng kanyang saloobin ang kapatid ng sekyu. Minabuti nitong ikubli ang kanyang mukha dahil ayaw nilang malaman ng kanilang inang maysakit ang masaklap na nangyari sa kanyang kapatid.


Pinasalamatan naman nito ang lahat ng mga netizens na patuloy na nagpapahayag ng kanilang pagsuporta sa kanila. Kasalukuyan naman umanong nasa ospital pa sa ICU ang sekyu at medyo nahihirapan pang magsalita dahil sa fracture sa kanyang ribs.


Binigyan naman ni Sen. Tulfo ng P25,000 ang kapatid ng sekyu upang makatulong sa kanilang gastusin. Susuportahan umano ni Sen. Tulfo sila upang hindi sila papayag sakaling mag-aalok ng pang-areglo ang kampo ng driver ng SUV.




Matatandaang nag-viral ang video ng isang security guard na binundol ng RAV-4 sa Mandaluyong habang nagmamando ng daloy ng trapiko. Umani ng matinding komento at reaksiyon mula sa publiko ang naturang insidente.