PBBM, inanunsyo ang planong full face-to-face classes sa Nobyembre



Sinasabing magbubukas ang panuruang taong 2022-2023 sa Agosto ngayong taon ayon sa Department of Education.


Nalaman ng Trending Bytes na tulad ng nasimulan na noong Marso, patuloy ang unti-unti pagbabalik paaralan ng mga estudyante na nasa limited face-to-face set-up na matapos na makasunod sa mga alituntunin bago ito maisagawa.



Ayon sa nabanggit ni Presidente Bongbong Marcos (PBBM) sa unang cabinet meeting sa ilalim ng kanyang administrasyon, plano na rin umano nila ang 100% face-to-face classes sa Nobyembre.


"The first thing that is an example of that is Inday Sara’s announcement that we have a plan for full face-to-face by November of this year,” ani ni PBBM base sa plano ni Bise Presidente Sara Duterte, ang susunod na Education Secretary.


Pag-uusapan din umano ang tungkol sa vaccination ng mga estudyante na siyang isa sa mga inihahanda sa napipintong implementasyon ng full face-to-face classes.


Setyembre 13 ng taong 2021 nagbukas na ang klase sa taong panuruan 2021-2022 sa mga pampublikong paaralan at makatakdang matapos ngayong Hulyo 8.


Sa ngayon, ilang learning modalities tulad ng blended, online at modular learning ang patuloy na isinagawa gayung hindi parin pinahihintulutang magkaroon ng 100% na face-to-face classes ang mga mag-aaral. Ilang mga piling paaralan lamang ang nakapagsagawa ng limited face-to-face classes kung saan 10-15 mga mag-aaral lamang ang maaring magklase sa isang silid bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.