Pamilya ni Jovelyn Galleno, kinumpirma na siya ang sumakay sa multicab



Kinumpirma ng pamilya ni Jovelyn Galleno na siya nga ang babaeng nasa bagong CCTV footage na nakitang sumakay sa multicab. Sa pakikipag-usap ni Sen. Raffy Tulfo kay Jonalyn Galleno at ilang otoridad na nakatutok sa kaso, sinabi ni Jonalyn na base sa gesture at suot ng babae sa video ay nasabi nilang si Jovelyn nga ang nasa video.



Dahil naman sa umano'y hindi magkakatugmang pahayag ng otoridad na nakausap ni Sen. Tulfo, maingat niyang hinimay ang isyu at muling tinanong ang proseso kung paano nasabi ng pamilya na si Jovelyn nga ang nasa video.


Kahit malabo ang CCTV ay nakilala nila si Jovelyn at sumang-ayon naman si Sen. Tulfo dahil aniya bilang pamilya ay makikilala ng mga ito si Jovelyn base lamang sa kilos nito.




Si Jovelyn Galleno ay ang 22-anyos na nagtatrabaho sa isang mall sa Palawan. Nawala siya noong ika-5 ng Agosto kamakailan lang. Ayon sa kanyang kapatid, sinabi ng kanyang employer na 6:30 ng hapon ay nag-out na ito sa kanyang trabaho. Nag-chat pa umano ito sa kanyang kapatid ngunit hindi na ito nakauwi.