Php16,000 na singil sa pagtirintas ng buhok ng turista sa Boracay, 'di raw overpriced
Naging usap-usapan kamakailan ang Php16,000 na singil sa pagtitirintas ng buhok ng isang turista sa Boracay.
Nalaman ng Trending Bytes na isang hotel owner ang nag-post ng larawan ng batang nagpatirintas upang malaman kung sapat lamang ba talaga ang nasabing halaga sa ginawang braid sa bisita.
Sa ulat ng GMA News, nakausap nila ang isang miyembro ng Malay Boracay Vendors Hair Braider Association o Maboven at sinabing walang overpricing na nangyari.
"Nakadepende po sa bisita yan dahil ang bisita po or guest may choice po yan kung afford niya itong prices or hindi," pahayag ni Jomar Saan ng Maboven.
Nabanggit din nila ang sinusunod umanong taripa kung saan makikita ang presyo ng kanilang singil sa paggawa ng braid.
Mula Php200 hanggang Php1,000 ang halaga kada linya at may additional fee pa umano kada disenyo.
Ipinaliliwanag din sa nagpapatirintas ang gagawin at halaga ng kabuuang babayaran bago ito simulan.
Sinasabing sumang-ayon ang ina ng nagpagawa at hindi naman umano nagreklamo sa kanilang binayaran.
Maging ang local government unit ng lugar ay inimbestigahan ang kontrobersyal na post. Ayon mismo sa alkalde ng Aklan na si Mayor Frolibar Bautista, walang labis na singil na ginawa lalo na at ipinaulit pa pala umano ang naunang pagpapatirintas at tatlo katao ang gumawa nito.
Narito ang kabuuang ulat mula sa 24 Oras: