Vendor sa viral na Php26,000 na paluto sa Bohol, dinipensahan ang singil
Dumepensa na ang nagpakilalang vendor sa viral post tungkol umano sa Php26,000 na halaga ng mga pagkain pinaluto sa Vǐrgin Island sa Panglao, Bohol.
Nalamam ng Trending Bytes na ipinakita ng vendor na si Fidel Clenista ang dapat na hitsura o dami ng mga pagkaing nagkakahalaga ng Php26,000 na umano'y inireklamo ng mga turista.
Ayon sa panayam ng Frontline Pilipinas kay Fidel, sinabing marami raw ang na-order na mga mamahaling seafoods ng grupo. Maging ang banana cue na sinabing ginto ang presyo, ipinaliwanag din ni Fidel.
Nasa Php7,000 na raw agad ang halaga ng isda pa lang na na-order ng mga ito. Ang scallops at oysters na tig-36 ang paluto nila, umabot ng Php5,000. Gayundin ang sea urchin na dahil sa mahirap makuha, may kamahalan din.
"Marami 'yung habang naliligo sila, kuha ng kuha o banana cue... kain ng kain," ani Fidel.
Samantala, umamin ang isa pang vendor sa isla na si Lorna Bisiano na iba-iba ang kanilang singil depende sa turista.
"Bisaya na presyo, mayroong tagalog na presyo, mayroong Chinese na presyo at foreigner at Korean na price," aniya.
Samantala, giit naman ng isa sa mga kasama sa nasabing grupo ng turista na nagsiwalat ng 'di umano'y overpricing, may dagdag daw talagang nangyari at nagulat na lamang sila sa dami nang ibigay sa kanila ang listahan ng babayaran nang sila'y papaalis na sa isla.
"Hindi lang siya overpricing, dinagdagan pa nila 'yung quantity. By the time na nag-order kami, hindi nila inilista agad. So doon lang sila naglista nung paalis na kami sa island," ayon kay Joeper Calubio, isa sa mga nagbayad ng Php26,000.
Narito ang kabuuan ng ulat mula sa News5: