Tanya Bautista-Navarro, nag-aalala para sa kaligtasan ni Vhong Navarro



Nababahala si Tanya Bautista-Navarro sa kaligtasan ni Vhong Navarro kapag nalipat na umano ito sa Taguig. Naibahagi niya ito sa kanyang pahayag na inilabas nang makaharap niya ang press kabilang na ang reporter na si MJ Marfori. Nauna nang lumabas sa balita na hiniling ng kampo ni Deniece Cornejo na kaagad na ipiit sa Taguig City Jail ang TV host dahil doon ito nakatakdang litisin.


“Lalaban kami, may case na, e. Lalaban kami at alam ko mapapanalo namin ‘to. But for the meantime, at least yung security niya, natatakot ako for him pag malipat siya sa Taguig.”



Nabanggit din nito sa video na binahagi ni MJ Marfori na suportado ng dokumento at ebidensiya ang naging salaysay ni Vhong noon kaya ipinagtataka niya kung ano ang nakitang probable cause kaya muling nabuksan ang kaso.


“Suported yun ng mga documents or sa kung anumang ebidensiya na ibinigay namin. So, hindi ko alam kung anong nakikita nilang probable cause.”


Si Vhong Navarro ay nakilala sa mundo ng showbiz bilang isa sa miyembro ng all-male dancers na Streetboys. Sumikat din siya sa kanyang novelty songs na Totoy Bibo, Don Romantico at Chickboy. Naging bida din siya ng ilang pelikula kagaya ng Da Possessed, My Only You, Unli Life, D' Anothers, at Agent X44. Ikinasal siya sa creative manager at screenwriter na si Tanya Bautista.