RR, napa-react sa umano'y bansag na 'Pambansang paawa' ni Cristy kay Andrew Schimmer



Hindi napigilang mapa-react ni RR Enriquez sa umano'y naging bansag ni Cristy Fermin kay Andrew Schimmer na 'Pambansang Paawa.'


Nalaman ng Trending Bytes na isa umano ito sa sinawsawan ni RR sa kanyang pinakabagong vlog.


Aniya, sa halip na i-bash o husgahan pa si Andrew, mas dapat na ito'y hangaan dahil sa hindi matatawarang pagmamahal at pag-aaruga sa asawa nitong si Jorhomy Rovero.


"Di ba dapat pambansang asawa? Hindi lahat ng lalake kayang gampanan yung ginagawa ngayon ni Andrew Schimmer kaya naman palakpakan po natin siya"


Pinaalalahanan din ni RR ang publiko na hindi rin dapat na i-bash si Cristy sa naging komento niya umano gayung tagapaghatid lamang sila ng mga napapansin ng netizens.


"'Wag na nating i-bash si Nanay cristy. Kasi siya lang naman o sila lang naman tatlo ang tagahatid ng mga balita o komento ng iba't ibang mga netizen"


Aminado rin si RR na nakaramdam ng lungkot nang mapanood at makita ang pinagdaraanan ni Andrew at kanyang pamilya sa kalagayan ngayon ng kanyang asawa.


"And ako nung napanood ko yun, medyo na-sad ako na ganun yung tingin ng ibang mga tao kay andrew schimmer. Kasi alam niyo, hindi natin alam yung pinagdadananan ni Andrew especially in this difficult time of his life and ng asawa niya rin,"


"Nakakahanga si Andrew Schimmer dahil nilunok niya yung pride niya na eto ako, 'eto kalagayan ng asawa ko, nangangailangan kami ng pinansyal. At least 'di ba hindi siya nagnakaw or hindi siya pumatay ng tao para lang makakuha ng pera. Nagpa-interview siya at gumawa siya ng vlog, walang masama don."


Gayunpaman, nabanggit din ni RR na hindi rin naman nalalayo ang pagba-vlog ni Andrew sa kanilang ginagawa sa kani-kanilang YouTube channel.


"Bakit po ako nagba-vlog? Wala po akong pinagkaiba sa ginawa ni Andrew Schimmer. Nagba-vlog po ako para kumita rin po ako ng pera. Hindi lang po ako ang gumagawa nito. Marami pong mga sikat na vlogger, sino? Si Ivana Alawi, Zeinab Harake, Toni Gonzaga sa Toni Talks. And itong si Nanay Cristy Fermin, 'yung show nila na Showbiz Now Na! 'Di ba sila kumikita ng pera rito para sa pagba-vlog na 'to?"