Erik Santos, napahagulhol matapos mag-alay ng huling awit para sa pumanaw na ina



Umantig sa puso ng marami ang video ni Erik Santos na nag-alay ng huling awitin para sa kanyang inang si Angelita Ramos Santos.

Nalaman ng Trending Bytes na aminado man si Erik na hirap siyang kumanta sa puntong iyon, subalit nagawa niya pa rin bilang alam niya na ito'y kagustuhan ng kanyang ina.

"Alam kong di’ ko kakayaning kumanta sa mga oras na ‘yon, pero pinilit ko, dahil alam kong iyon na ang huling pagkakataon na kantahan ka sa harap mo... Mahal na mahal na mahal kita, Nanay ko."

Kinanta ni Erik ang awiting 'Ikaw' na sinikap niyang tapusin habang pinipigilang bumuhos ang kanyang luha.

Nang matapos ang kanta, doon na niya hindi napigilang mapahagulhol lalo na at kalapit lang niya ang labi ng kanyang ina.

Nobyembre 25 nang malungkot na inanunsyo ni Erik ang pagpanaw ng ina na si Angelita Santos na nakipaglaban sa lung cancer.

Naidetalye pa ni Erik ang mga kaganapan sa mistulang pamamaalam na niya sa ina sa huling mga sandali nito. Ipinarinig din ni Erik ang mga paboritong kanta ng kanyang ina at paulit-ulit din niyang ipinakinig sa kanyang Nanay Angelita ang 'Amazing Grace.'