Vhong Navarro, nakalabas na; nakatakdang magbalik sa It's Showtime



Magpapahinga raw muna si Vhong Navarro ng ilang araw matapos nga niyang makapagpiyansa at makalabas ngayong araw. Ayon sa ulat ng ABS-CBN News reporter na si Niko Baua, naibahagi umano ng kanyang mga abogado na balak din nitong magbalik sa kanyang trabaho bilang TV host.


Hindi umano napigilan ni Vhong na maiyak matapos makita ang desisyon ng hukom kaugnay sa isinampang petisyon ng kampo niya na mapayagan siyang makapagpiyansa. Pinaliwanag din umano ng abogado niya na hindi muna magpapaunlak ng panayam ang TV host dahil kailangan nitong magpahinga at gusto munang makasama ang kanyang pamilya.





Si Vhong Navarro ay nakilala sa mundo ng showbiz bilang isa sa miyembro ng all-male dancers na Streetboys. Sumikat din siya sa kanyang novelty songs na Totoy Bibo, Don Romantico at Chickboy. Naging bida din siya ng ilang pelikula kagaya ng Da Possessed, My Only You, Unli Life, D' Anothers, at Agent X44. Ikinasal siya sa creative manager at screenwriter na si Tanya Bautista.