Source ni Cristy Fermin, sinabing dalawa lang umano silang nanood ng My Teacher sa sinehan



Isa sa mga napag-usapan sa pinakabagong episode ng Showbiz Now Na! ang sinapit ng pelikulang 'My Teacher' ni Toni Gonzaga.


Nalaman ng Trending Bytes na naikwento ni Romel Chika ang nasaksihan niya mismo sa kanyang vlog nang mag-ikot siya sa mga sinehan ilang araw matapos na maipalabas ang mga pelikula sa Metro Manila Film Festival.


"Nasaksihan mismo ng dalawang mata ko. Na talagang sa dami-dami ng nakausap ko talaga, wala akong ni isang nakasalubong nanood nito," ayon kay Romel Chika.


Doon naman naikwento ni Cristy ang nai-text sa kanya tungkol din sa pelikula ni Toni.


"Alam mo, meron nga tayong isang CFemer na nag-text na hindi raw siya nagulat masyado sa pelikulang Deleter. Ang ikinagulat daw niya ay noong nanood daw siya ng My Teacher, dadalawa lang sila sa sinehan," ani Cristy.


Aminadong kasama sila sa nagtataka umano kung ano ang nangyari at hindi tinangkilik ang pelikula gayung inaasahang milyon-milyon ang mga tagahanga at sumusuporta kay Toni.


"31 million, nasaan na sila ngayon?" ayon naman kay Wendell Alvarez.


"Ang tingnan mo ha, ilan ang subscribers niya? Ilan ang mga views ng kanyang mga vlog... milyon-milyon. Tapos hindi nag-translate sa takilya. 'Yun ang hinahanap ng ating mga kababayan," dagdag pa ni Cristy.


Gayunpaman, hiling nilang makabawi naman si Toni sa kanyang gaganaping concert sa January 20.


"Ito ngayon ang gagawing barometer ng ating mga kababayan. Kung mapupuno niya pa rin ang Araneta Coliseum," pahayag pa ni Cristy.


Narito ang kabuuan ng kanilang talakayan mula sa Showbiz Now Na!: