Cristy Fermin, naghakot na sa umano'y condo na bigay sa kanya ni Willie Revillame



Naibahagi ni Cristy Fermin na naghakot na umano siya ng kanyang mga gamit sa condo unit na ipinagkaloob sa kanya ng kanyang anak-anakan na si Willie Revillame.


Nalaman ng Trending Bytes na isa ito sa nabanggit ni Cristy sa pinakabagong episode niya ng Showbiz Now Na!


Ani Cristy, dalawang araw na raw ang nakararaan nang magsimula siyang maghakot ng gamit sa condo unit na ito na kailanma'y hindi niya natirhan o natulugan manlang. 39th floor daw ito na para umano sa kanya, mas sanay siya sa mababang tirahan lamang


"At tulad po ng sinabi ko na ibabalik ko po 'yung unit na pinagtrabahuhan ko kay Willie Revillame. Dalawang araw na po ang nakararaan nakapaghakot na po kami. Ang nandun na lamang ay yung malalaking piraso na hindi kakasya sa sasakyan," paglalahad ni Cristy.


Aniya, kung kasing barubal lamang umano siya ng kanyang itinuring na anak-anakan, hindi magagandang salita ang masasabi niya sa paglisan niya sa unit na ito.


"Gusto kong sabihin, kung kasing barubal ako ni Willie Revillame, gusto kong sabihin na eto na yung pondo mo, isaksak mo sa baga mo," ang mga katagang hindi naman umano makakayang sabihin ni Cristy.


"Pero hindi po 'yun ang terminong iiwan ko ngayon. Hindi po ako kasing tapang, kasing mapanumbat tulad ni Willie, Hindi po ganun. Ang gusto ko nalang sabihin, maraming salamat," ayon sa Showbiz Now Na! host na nagpasalamat pa rin kay Willie.


"Eto na ulit, yung isinumbat mo sa'king condo unit. Mabubuhay ako nang wala ito. Mabubuhay din ako ng wala ka. Kung paanong mabubuhay ka nang wala ako."


"Hindi ko alam na magiging ugat pala ito ng pagkakasira namin," saad ni Cristy.


Narito ang kabuuan ng kanyang naging pahayag mula sa Showbiz Now Na! YouTube channel: