Doc Willie Ong, may prangkang pahayag sa mga politiko sa Pilipinas



Sa isang matapang at emosyonal na video na nag-viral sa social media, naglabas ng prangkang pahayag si Doc Willie Ong, isang kilalang health advocate at dating kandidato sa pagka-bise presidente noong 2022. Sa kanyang pahayag, isiniwalat ni Ong ang kanyang mga saloobin ukol sa kalagayan ng pulitika sa Pilipinas at ang matinding epekto nito sa kalusugan at kapakanan ng mga Pilipino.


Ayon sa kanya, wala siyang maling ginawa at tumakbo siya para lamang makapaglingkod sa bayan. "I just ran for vice president, what did I do wrong? I did not do anything wrong. I love everyone of you. I'm doing this for the Philippines," dagdag pa niya.


Binigyang-diin ni Ong ang hirap ng mga Pilipinong walang access sa tamang serbisyong pangkalusugan dahil sa malalang korapsyon sa gobyerno. "Nahihiya ako. I'm ashamed because I have some money and people supporting me... But our countrymen are very poor, they do not have healthcare. They are just dying there from the corruption of politicians," ani Ong. Sa kabila ng kanyang personal na kalagayan, nanindigan siya na mahalaga ang katotohanan at paglaban para sa mga mamamayan.


Sa kanyang pahayag, inamin ni Ong na may taning na ang kanyang buhay ayon sa kanyang doktor, at may 2 hanggang 3 buwan na lang ang natitira para malaman kung mabubuhay pa siya o hindi. Gayunpaman, wala na raw siyang pakialam at handa niyang ilabas ang katotohanan: "I'm dying, I don't care anymore, I will tell you the truth, politicians are corrupt in the Philippines."


Tinapos ni Ong ang kanyang pahayag sa isang tanong na tumutukoy sa kahalagahan ng pagsisilbi sa bayan, "Is the Filipino worth dying for?" na nagpapahiwatig ng kanyang malalim na pagmamalasakit sa kapakanan ng mga Pilipino sa kabila ng kanyang personal na laban sa sakit at pagsubok.