Doc Willie Ong, muling nagbahagi ng kanyang mensahe sa mga Filipino
Sa pinakabagong video na inilabas ni Doc Willie Ong, isang kilalang doktor at health advocate, ipinakita niya ang mga resulta ng kanyang mga laboratory tests na nagpapakita ng patuloy na laban niya sa isang matinding sakit na sarcoma.
Ayon kay Doc Willie, mababa ang tsansa niyang mabuhay nang mas mahaba dahil sa bigat ng kanyang karamdaman, ngunit sa kabila ng lahat ng ito, patuloy pa rin niyang binibigyan ng inspirasyon ang mga Pilipino.
"Nagkaroon ako ng sepsis, bumaba ang blood pressure ko. Tignan niyo ang mukha ko, kung gaano na ako kapangit," ani Doc Willie habang ipinapakita ang epekto ng kanyang kondisyon sa kanyang pisikal na anyo.
Sa kabila ng kanyang pinagdadaanan, patuloy niyang binibigyang halaga ang kanyang misyon sa buhay. “Basta sa huling hininga ko, sasabihin ko lagi, gusto kong tulungan ‘yung mga nasa probinsiya, ‘yung mga mahihirap, dahil ‘yan ang dahilan kung bakit ako nabubuhay. Dapat patay na ako last week eh. Kung mabubuhay pa ako ng isang araw, ibibigay ko ‘yon para sa mga Pilipino.”
Nagbahagi rin si Doc Willie ng mga payo sa kanyang mga tagasubaybay, hinihikayat ang bawat isa na maging mas mabuting tao, maging mapagmahal at mapagpasensiya sa gitna ng mga pagsubok sa buhay. Pinuri rin niya ang kabutihan ng mga simpleng Pilipino at hinimok silang ipagpatuloy ang pagtulong sa kapwa.
Samantala, matindi ang pag-alma ni Doc Willie sa mga gumagamit ng kanyang pangalan at larawan sa mga pekeng advertisement, lalo na sa mga social media platforms. "Nakakalungkot na may mga gumagamit ng pangalan at mukha ko para sa mga maling layunin. Hindi ko iniendorso ang mga ‘yan, kaya mag-ingat kayo," babala niya.
Patuloy ang pagtutok ng mga netizen kay Doc Willie at sa kanyang laban sa sakit, at hindi maitatanggi ang malalim na epekto ng kanyang mensahe ng pag-asa at malasakit sa mga Pilipino.