Rufa Mae Quinto, may mga warrant of arrests ayon kay Boy Abunda
Kinumpirma ng King of Talk at talent manager na si Boy Abunda na may warrant of arrest ang kanyang alaga, ang komedyanteng si Rufa Mae Quinto, kaugnay sa umano’y investment scam ng isang beauty clinic na kanyang ineendorso.
Sa programa niyang Fast Talk with Boy Abunda ngayong Lunes, December 2, nagsalita si Boy upang linawin ang isyu at ipahayag ang kanyang saloobin. Aniya, ang sitwasyon ay isang wake-up call para sa mga artista at talent managers na usisain nang mabuti ang mga kontrata bago pumasok sa anumang endorsement.
“I am alarmed as a member of this industry and as a manager,” ani Boy, habang inilahad ang palaisipan kung hanggang saan ang responsibilidad ng isang endorser sa produkto o serbisyong kanilang ineendorso.
Nilinaw din niya na ang endorser ay umaasa lamang sa impormasyon mula sa kumpanya at hindi direktang responsable sa anumang kakulangan o problema sa serbisyo ng ineendorso nilang produkto. “Do I own the company? Am I liable kung, halimbawa, hindi masyadong kagandahan? But I have so many questions,” dagdag niya.
Ang nasabing kaso ay nagdadawit din sa pangalan ng aktres-businesswoman na si Neri Naig, na kamakailan ay inaresto sa Pasay City dahil sa umano’y paglabag sa Section 8 ng Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code.
Bagamat hindi pa malinaw kung paano naugnay si Rufa Mae at si Neri sa naturang kaso, sinabi ni Boy na ito’y isang mahalagang usapin na kailangang pagtuunan ng pansin ng industriya. “Eto po ’yung aking nararamdaman kaya hindi ko po napigilan na hindi magsalita,” wika niya.
Samantala, nilinaw ni Boy Abunda na si Rufa Mae lamang ang kanyang talent na may kumpirmadong warrant of arrest at wala pang detalye ukol sa iba pang personalidad na nasasangkot sa isyu.